Kami ay nagpapasalamat sa napakagandang
Ulat na ito ng ating pinakamamahal na Ces
Oreņa-Drilon ng The Correspondents ABS-CBN
Dalawang
mukha ng basura
"Basura"
Itinanghal
Oktubre 10, 2006
Ulat ni Ces Oreņa-Drilon
Ang Metro Manila ay tirahan ng 10 milyong Pinoy. Mahalaga sa kanila ang malinis
na kapaligiran.
Basta hindi nakikita at naamoy ang basura dito, kontento ang tao.
Dito sa tagong lugar ng Montalban, na ngayon ay kilala bilang Rodriguez, matatagpuan
ang pangunahing basurahan ng Metro Manila.
Halos kalahati ng koleksyon ng basura, dito ang bagsak sa 14 ektaryang lupaing
ito.
Namumulasi o nangangalahig, iyan ang tawag sa trabaho ng mga namumulot
ng basura rito.
Tinatayang umaabot na 150 ang namumulasi sa Kalakhang Manila.
Isa dito sa “Gina” (di-tunay na pangalan).
Aniya, may apat na taon na siya sa trabahong ito mula nang buksan ang Rodriguez
landfill noong 2002.
“Sa tingin mo, gaano katagal ang trabahong ito?” tanong ng The Correspondents.
“Siguro po hangga’t nandito siya. Kasi ang katuwiran din naman ng mga
taong nabubuhay sa pangangalahig, kung nasaan ang basura, susundan namin. Kasi ‘yun ang hanapbuhay namin,”
ani Gina.
Sa dami ng gustong magtrabaho rito, nagbuo ang munisipyo ng mga organisasyon.
Isa sa mga namumuno si "Mang Moloy."
Aniya, panahon pa ni dating pangulong Ferdinand Marcos, dito na siya naninirahan.
Kumpara sa ibang tambakan, ang namumulasi sa Rodriguez ay may ID at may uniporme
din. Bawal din ang edad 18 pababa.
Nahahati sa tatlo ang shift dahil 24 oras ang dating ng basura.
Pagsapit ng gabi, mistulang mga alitaptap ang mga mambubulasi.
Isa si Gina sa mga tila minerong nagbubungkal ng ginto. Mula 10 p.m. hanggang
6 a.m. ang shift niya.
Pero hindi ginto kundi basurang mapagkakakitaan ang hanap nila.
“Eto po bote, piraso ang bili dito. Limampiso ang isa. Ito po ‘yung
wire, binibili po ito ng tatlong piso [kada] kilo. Ito po ‘yung mineral. PET po ang tawag dito. Ito po ‘yung fanta,
P35 ang kilo, tapos ito [aluminum], P45 [kada kilo]. Ito ‘yung tanso, susunugin po ito ma’am e,” ani Gina.
“Kayo ang gagawa pa niyan? Bakit kilangang sunugin?” tanong ng The Correspondents.
“Para makuha ‘yung nasa loob. Two hundred [pesos] ang kilo,” ani
Gina.
“Ilang araw ka makakakuha ng isang kilo?” tanong pa ng The Correspondents.
“Minsan lingguhan eh,” ani Gina.
Pero minsan, aniya, ay nakakaswerte din sila.
“Ano na ‘yung pinakamahalagang nakuha mo?” tanong ng The Correspondents.
"Dati po nakakuha kami ng tatlong pirasong brilyante, ‘yung maliliit siya.
Nabili po sa amin ‘yun ng P6,000,” ani Gina.
Kasama ni Gina sa bulubundukin ng Montalban ang kanyang ama. Kapwa Grade 5 lang
ang kanilang natapos.
Panganay si Gina sa 13 magkakapatid.
“Nagtatanim po kami ng palay at mga gulay na pambenta d’yan sa palenke
sa bayan. Nung dumating ‘tong tambakan, dito natutok ang panahon namin. Kasi sa pagtatanim, 'pag nadaanan ng bagyo ‘yung
pananim namin, ‘di na kami kumikita. Dito konting kalkal mo lang, meron ka na agad pera,” ani Gina.
Ang buong pamilya, pangangalahig ang pinagkakakitaan.
Si Gina ang tumayong ina ng pamilya dahil ang nanay niya na dating nagbebenta ng
meryenda ay namatay noong 2005.
Sa isang munting bahay nangungupahan sina Gina. Nagbabayad sila dito ng P500 para
makatira malapit sa tambakan. Hanggang ngayon, wala pa ring kuryente sa kanilang sitio.
Si Gina ang tumatayong ina ng pamilya.
Ngunit siya ay nanay na rin. Tatlo ang kanyang anak. Ang kanyang bunso ay kasing
edad ng kanyang bunsong kapatid.
Pagsapit ng 6 a.m., umaalis na ang panganay ni Gina.
Dalawang oras kasi ang kanilang nilalakad para marating ang eskwelahan.
Ngunit sa gitna ng kahirapang ito, masigla ang komersyo.
***
Si "Bong," graduate na sa pangangalahig at "junker" na ngayon na namimili
sa dating kasamahan.
Ang kita niya sa isang araw ay mula P800 hanggang P1,000.
Namimili siya sa may 30 mambubulasi at ibinebenta sa mga pumapakyaw ng junk.
Kung saan ang dump site, naroon siya. Naging pahinante na ng trak sa Payatas
sa Quezon City.
Noong magbukas ang landfill sa Montalban, lumipat siya dito at nangalahig.
Naoobserbahan ni Bong na mas malaki ang kita ng junker. Kaya sa kapital na
P20,000 mula sa ipon at pagbenta ng lupa sa Payatas, nakapagsimula siya.
Mula doon, nakabili na muli siya ng lupa at hindi lang iyan, pati service truck
sa kanyang negosyo.
Tunay nga na may pera sa basura.
* * *
Simula na naman ang araw ni "Joey," pahinante ng trak ng basura sa Makati.
Isa lang ang trak niya sa libo-libong umiikot sa Metro Manila para mangolekta.
Para mapanatiling malinis ang kapaligiran, ang gastos ng 17 siyudad at munisipalidad
ng Metro Manila ay tumataginting na P6 na bilyon hanggang P7 bilyon taon-taon.
Ito ay sapat upang mapunan ang kakulangan ng classrooms na aabot sa P3.4 bilyon
at bayaran ng sweldo ng karagdagang 10,000 teachers na nagkakahalaga ng P1.2 bilyon. Kaya rin itong pondohan ang P1.2 bilyong
mga nakabinbin sa census office dahil sa kakulangan ng badyet.
Ang pera, galing din sa ating sariling bulsa, sa buwis na binabayaran ng mga mamamayan.
“I received a report doon sa may C-5, aba ang sabi, may mga nag-iiwan ng basura
d’ay sa may island sa C5,” ani Narda Camacho, environmentalist at founder ng Metro
Manila Linis Ganda.
“Dinadaya niya ang sarili niya. Kasi imbes mapunta sa kanya ‘yung other
form of services of the government, napupunta sa paglilinis ang kanyang ginerilya, na akala niyang nakaisa siya,” ani
Camacho.
“So ‘yung P6 billion na 'yan kung maaayos lang ang pagtatapon, mababawas
iyon by how much?” tanong ng The CORRESPONDENTS.
“Isang bilyon na lang siguro ang kailangan mo. ‘Yung balance ay madadala
mo ditto sa kabila, sa kalusugan. You could bring it to that level na mababa, in fact ang target naming talagang ultimately
zero waste management. Kung magpupursige lang,” ani Camacho.
Sabi ni Camacho, kaya kung gugustuhin. Pero ayaw ng mga mayor nito.
“Sabi ko nga sa inyo, mawawalan ng hanapbuhay ang mga mayor. ‘Yung tinannong
ko‘yung nga sa SWAKAP (Samahan ng mga Solid Wastes Pickers), garbage trucks, sabi ko, ano bang problema n’yo sa
barangay captains, because there are 1,800 barangay captains in Metro Manila. Naku ma’am
ang sabi nila, mahirap po eh. Dahil ang byahe, P5,000 per trip. ‘Di po kami makagawa ng three trips a day kasi nga ho,
‘yung pera pinapartehan namin ‘yung mayor, ‘yung barangay captain. The corruption is
fantastic!” kwento ni Camacho.
“Silang lahat na may-ari ng truck, may samahan. Sila ang nagsabi sa akin.
Tinanong ko sila, bakit hindi kayo efficient, ang dami-dami naman ninyo. Bakit hindi pwede ‘yung bukod-bukod, pagpunta
sa bahay? Naku ma’am, mahirap po eh, ang laki-laki ng hinihingi nila. Wala daw matitira doon sa P5,000. Ang ginagawa
nila, para sila kumita, sa halip na tatlong byahe, isa na lang o dalawa. Tapos papipirmahin din sa mayor na tatlong
byahe, pero hindi. Pati barangay captain, papipirmahin, and they have to pay that,” kwento pa niya.
“Pera po natin ‘yung ginagamit sa pangkolekta ng basura?,”
tanong ng The CORRESPONDENTS.
“Taxes natin, pero wala tayong pakialam doon… ang Pilipino indifferent
eh. Wala silang pakialam sa basura,” ani Camacho.
Sa kabila ng napakalaking gastusin sa pagkolekta ng basura, tinatayang higit
1,000 tonelada ng basura ay hindi na umaabot pa sa dumpsite at sa halip, sa mga estero, creek at ilog ang bagsak
ng mga ito.
Sa pagbabaybay ng The CORRESPONDENTS sa Ilog Pasig, kapansin-pansin na ang isa sa
pinakamarumi ay ang San Juan River.
Ang basura dito ay nanggagaling pa ng Quezon City o kaya ay naiiwan sa daan at nagbabara
sa mga kanal. Kaya ang resulta kapag umulan ay baha.
Nakapagtataka nga na ang Rizal na siyang sumasalo sa problema ng basura sa
Metro Manila ang sinalanta kamakailan ng landslide at flashflood. Ang dahilan nito ay basura.
Ang mga komunidad sa paligid ng dumpsite sa Rodriguez nagrereklamo na.
Ang pangako kasi sa kanila noong binuksan ang dumpsite, napako.
“Ang paliwanag nila sa amin, wala naman daw maapektuhan maski sino sa amin.
Tingnan mo naman...ngayon, ‘di na kami pwede maglaba sa ilog kasi mabaho na. ‘Yung mga isda namamatay na. Tingnan
mo kung ilang kalabaw, baka d’yan na namamatay 'pag umiinom d’yan sa ilog dahil sa tambakan na iyan,” ani
"Mang Licardo."
Dati-rati sa ilog ng Lucutang Munti humuhuli ang mga residente ng Montalban ng
biya o tilapya.
Ngayon takot na sila. Anila, nangangati sila sa paglusong sa ilog. Mabaho na
rin daw ito at kahit pandilig sa pananim ay hindi na pwede